Pwede kong isipin na ilang taon mula ngayon, ang ating mga landas ay muling magkakatagpo. Huli kang darating sa pagtitipon at ako’y kunwaring magtatago sa isang sulok. Pwede kong sabihin na muli kong maririnig ang iyong boses sa aking likuran o di kaya’y ang iyong tawa na tila isang musika sa aking tenga. Pwede kong balikan ang lahat ng mga bagay na nangyari ‘nung gabing ‘yun – pero hindi ko gagawin. Dahil alam kong kahit ilang beses ko mang iyon maranasan, hindi na pwedeng maibalik ang kung anong meron tayo noon. Pwede, baka, siguro. Hindi naman ako kailanman naging sigurado. Ngunit kung magkapalitan man tayo ng mga titig at maramdaman ko muli ang kislap na dala ng iyong mga mata, ngingiti lang ako at tatango. Pwede naman akong lumayo, pero hindi na ako naninibago. Pwede naman akong umiwas, pero nasanay na ako.
Baka nga sanay na ako.
– El